Tuesday, March 24, 2009

Kaunting Kasaysayan

Matagal ko nang nilalaro ang mga piyesa ng aking keyboard sa pagbo-blog. Lahat ng mga nauna kong blog, tinamad na akong ipagpatuloy.

Ang una kong blog ay isang kalipunan ng aking mga pang araw-araw na gawain. Kung iisipin mo, kung hindi ka naman gaanong sikat tulad ko, sinong mag-aatubiling magbasa ng blog na ganun? Mga crush? Mga stalker? Mga may poot sa iyo? Kung magbo-blog ako para sa kanila, hindi bale na lang!

Sumunod na blog ay patungkol naman sa mga kaganapan sa Pilipinas. Showbiz man o dibdibang pulitika, nagbibigay ako ng sariling opinyon. Isa sana ito sa mga pinaka-matagumpay na blog na aking nagawa subalit, dumagsa na ang mga gawain sa kolehiyo at hindi ko na iyon naalagaan.

Pinilit ko mang sundan ang aking mga blog, hindi ko na nagawa.

Hindi talaga biro magsulat at magpaunlad ng isang blog. Una mong kalaban ay ang katamaran na magsulat. Kakaibang lakas ng pangangatawan upang malagpasan ang kagustuhang mahiga sa kama at matulog. Pangalawa ay ang mga paksang isusulat. Magsusulat ka ba tungkol sa fishball na nakain mo kaninang hapon pagkatapos ng klase mo sa biyolohiya? Hindi kaya tungkol sa aleng kamukha ni pokwang na umutot sa loob ng FX na iyong sinasakyan? Maraming puwedeng isulat sa blog. Ang totoo, yung mga tipong libel, copyright infringement lang ang kailangang iwasan.

Marami pa sigurong mga bagay na kumakalaban sa pagunlad ng ating mga blog. Sa aking karanasan, ang dalawang iyon ang pinaka-palasak.

0 comments:

Post a Comment